May Pag-asa ang Isang Mananampalatayang Umiibig

Anghel na Walang Pakpak

 

Sa lahat ng sandali, ako’y nananalangin:

Umaga man, tanghali, at sa gabing madilim

Sapagkat ang puso ko‘y mabigat ang dalahin,

Parang di matatapos ang aking paninimdim.

 

Kapagka minsa’y wala nang mukhang maiharap

Sa magulang, kapatid, kaibigan at anak.

Tila walang suporta na ‘kong maaasahan

Sapagkat nasira na ang ‘tinayong pangalan.

 

Ang buhay pala minsan ay lubhang mahiwaga,

Kayrami ng pagsubok ang masasalamuha.

Animo ay biktimang hindi nakapaghanda

Sa pagdating ng unos na hindi inakala.

 

“Bakit nagkaganito,” nauusal ko minsan,

“Ano kaya ang aking nagawang  kasalanan?”

Sinusunod ko naman ang mga panuntunan

Upang maging uliran at tuwid na maybahay.

 

Kapag ang isang ina’y mayroong dinaramdam,

Ilaw ay walang sindi, madilim ang tahanan.

Ni hindi ko magawang humimig kaunti man

Sapagkat ang puso ko’y may sugat, nasasaktan.

 

Pumapatak ang luha kahit di sinasadya

May konti lang marinig na salita sa kapwa

Lalong higit kapagka sa pamilya nagmula,

Tumatagos ang talim, puso ko’y hinihiwa.

 

Di na maibabalik ang mga nakaraan

O mailuluwa pa’ng salitang nabitiwan

Kalimutan na lamang ang panahong mapanglaw

Tanawin ang liwanag ng sisikat na araw.

 

Minsa’y nakalilimot ang mahabaging langit

Subalit nagpapadala ng ibong mandaragit—

Ang magandang balita’t biyaya nitong  hatid

Ay makapaghahango sa kalagayang gipit.

 

Iba’t iba ang anyo ng ‘sinusugong anghel

Hindi laging may pakpak, maganda ang imahen.

Sa pagkakataong di mo akalain,

May biglang dadapo’t magbibigay  aliw.

 

Kapag ang iyong anghel ay wala sa harapan,

Baka nasa kaliwa o kaya ay sa kanan.

O baka naman siya’y nagbabalatkayo lang,

Nariyan na sa tabi, hindi mo lamang alam.

 

 

Ang Aking Panata

 

Musmos pa ‘kong bata ay tinuruan na,

Kung may kalungkutan  o may problema,

Magtiklop ng tuhod at lapitan Siya

Upang mapawi’ng bagabag na dala.

 

Kaya kung sa akin ay dumarating na

Ang mga sandaling hindi ko na kaya

Ay dumadalangin ako sa Kaniya

Na sana’y tulungan, bigyan ng pag-asa.

 

Nang ako’y matuntong  na sa eskuwela,

Ang katalinuha’y ibinigay Niya.

Tuwing may exam ay nagpapanata.

Kaya ako’y laging mataas ang marka.

 

Ang panata, oo, ang aking sandata

Sa laban sa buhay, anomang  giyera.

Lahat ng hiniling ko sa ating Ama,

Kung marapat din lang, ‘binibigay Niya.

 

Ako’y may panata pa rin hanggang ngayon

Sapagkat sa buhay ay may nilalayon—

Ang tagumpay sana ay aking makamtan.

Paglabas ng list of passers sa board exam .

 

Araw-araw, gabi-gabi ay nananalangin.

Diyos ko, pagtawag, sana’y Iyong dinggin.

Wala nang iba pang tutulong sa akin

Kundi ikaw Diyos, Amang mahabagin.

 

Sa tuwing pagtawag, ako’y tumatangis.

Iniluluha ko ang lahat ng hapis.

Marami ring hirap ang aking tiniis

Makamtan ko lamang ang titulong nais.

 

Ang maging CPA ang aking pangarap.

Ang panalangin ko sana ay matupad.

Mga magulang ko’y tiyak magagalak,

Mapapawi lahat ng kanilang hirap.

 

Kung kabiguan man ang aking makamtan

Ay tatanggapin kong walang pagdaramdam.

Ako’y di marapat  na pagkalooban.

Ang gayong tagumpay ay sa matuwid lang.

 

Ngunit huwag nawa Niyang matitigan,

Ang pagkukulang ko’t mga kasalanan

Sapagkat kung ako’y Kanyang papatulan,

Walang karangalan akong aasahan.

 

Kaya pakiusap na lamang sa Ama,

Ako ay basbasan, maawa na Siya.

Sana ay dinggin ang aking panata.

Tagumpay kong  hangad, ‘pagkaloob Niya.

 

Ako ay payapa lamang naghihintay.

Ako’y tumutupad, ako’y nagsisiphay.

Nais kong maglingkod at magbagong-buhay

Upang kahilingan ay Kanyang ibigay.

 

Anomang resulta ang kahihinatnan—

Kahit kabiguan at di ang tagumpay,

Ay tatanggapin kong maluwag sa dibdib.

Ako’y magpupuri sa Diyos sa langit.

 

 

Nangangatwiran Tayo Kapag  Umiibig

(Pasintabi kay Jerry Gracio)

 

Isang libo’t isa man ang kapintasan

Ng ating iniibig,

Aapuhapin pa rin

Ang gahibla niyang katangian

Upang pangatwiranan ang pagmamahal.

 

Higit sa kirot,

Ligaya ang dulot ng pag-ibig.

Tinatakpan nito ang mga batik

Ng ating pagkatao,

Napaghihilom nito ang sugat

Na siya rin ang may gawa.

 

Minsa’y iginugupo tayo

Ng pagkabigo sa minamahal

Subalit muling bumabangon

Upang muli’t muli siyang mahalin.

Kung pag-ibig man ang nagbagsak,

Pag-ibig rin ang mag-aangat.

 

Dinadala tayo nito

Sa mga langit na hindi nararating

Ng mga hindi nagsisiibig.

At, sa langit na yaon,

Tayo ay mga bituing nagniningning.

 

Mapalad ang umibig

Nang minsan.

Magkahiwalay man,

Ang alaala nito’y

Mananatiling buhay.

Datapwat

Mas mapapalad ang nakatagpo

Ng magpakailanman

Sapagkat may katwiran sila

Upang mabuhay.

 

(Disclaimer: Ang persona at makata ay hindi iisa.)

Ang blog entry na ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 8 para sa Kategoryang Tula- Pag-asa, Pananampalataya at Pag-ibig.

Narito ang link:  www.sba.ph

saranggola-336x280

Sponsors:


Leave a comment